Petisyon ng OSG sa Appellate court na buhayin ang kasong kudeta laban kay Trillanes, napunta sa CA Seventh Division
Nagtalaga na ang Court of Appeals ng mga mahistrado na hahawak sa petisyon na inihain ng Office of the Solicitor General para buhayin ang kasong kudeta laban kay Senador Antonio Trillanes IV dahil sa partisipasyon nito sa Oakwood mutiny.
Unang na-iraffle ang petisyon sa CA 16th Division pero nag-inhibit si Justice Jane Lantion na dapat ponente ng kaso.
Muling ni-raffle ang kaso at ito ay napunta sa CA Seventh Division.
Si Justice Edwin Sorongon ang magsusulat ng desisyon at makakasama niya sina Justices Sesinando Villon at Germano Legaspi.
Sa petisyon ng OSG, hiniling nito sa appellate court na ipawalang-bisa ang ilang desisyon ni Makati RTC Branch 148 Judge Andres Soriano partikular ang pagbasura nito sa mosyon ng DOJ na ipaaresto si Trillanes.
Nais din ng OSG na atasan si Soriano na magpalabas ito ng arrest warrant at ibalik ang kaso sa trial court.
Ayon sa OSG, dapat nag-isyu ng warrant of arrest si Judge Soriano dahil mayroong factual at legal basis ang Proclamation 572 ni Pangulong Duterte na nagdideklarang walang bisa ang amnestiya na iginawad kay Trillanes.