Illegal recruiter timbog ng mga tauhan ng NBI sa isang mall sa Maynila
Arestado ng mga tauhan ng NBI-International Airport Investigation Division ang isang lalaki dahil sa estafa at large scale illegal recruitment.
Kinilala ng NBI ang illegal recruiter na si June Salonas Lumbad na owner at manager ng JAMT & JADE SKILLS.
Si Lumbad ay nahuli sa entrapment operation ng NBI sa isang mall sa C.M. Recto, Maynila.
Ayon sa mga complainant, ni-recruit sila ng tauhan ni Lumbad na isang June Sevilla para magtrabaho bilang farmworker o fruit picker sa South Korea.
Ni-refer ang mga biktima kay Lumbad na hiningan sila ng 160 thousand pesos na placement fee.
Dalawa sa kanila ay nakapagbigay ng 50 thousand pesos habang ang isa ay nagbigay ng partial payment na 80 thousand pesos.
Nagpasaklolo ang mga biktima sa NBI matapos mabatid na ang ibang mga aplikante ay dalawang beses nang hinarang ng mga immigration officers sa NAIA dahil sa mga pekeng dokumento na inisyu sa kanila.
Batay sa datos ng Philippine Overseas Employment Administration, hindi otorisadong recruiter para sa overseas employment si Lumbad.
Ulat ni Moira Encina