Immunization program ng pamahalaan tinalakay sa Cabinet meeting sa Malakanyang ni Pangulong Duterte
Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na palakasin ang kampanya ng Immunization program ng pamahalaan sa pangunguna ng Department of Health (DOH).
Kasunod ito ng report na nakarating sa tanggapan ng Pangulo na nagkaroon na ng measles outbreak sa National Capital Region.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles na kailangang makumbinsi ang mga magulang na magtiwala sa Immunization program ng pamahalaan.
Ayon kay Nograles, nag-iwan ng takot sa mga magulang ang kaso ng Dengvaxia anti-dengue vaccine kaya ayaw ipabakuna ang kanilang mga anak.
Inihayag ni Nograles na mismong si Pangulong Duterte na ang umaapela sa publiko na magtiwala at huwag matakot sa immunization program ng pamahalaan para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit lalo na sa mga kabataan.
Ulat ni Vic Somintac