Budget secretary Benjamin Diokno, bahalang tumugon sa subpoena ng Mababang Kapulungan ng Kongreso – Malakanyang
Ipinauubaya na ng Malakanyang kay Budget Secetary Benjamin Diokno ang desisyon kung papaano siya tutugon sa subpoena na inilabas ng House of Representatives laban sa kanya.
Layunin ng subpoena na pilitin ang kalihim na dumalo sa pagdinig ng Kamara matapos itong hindi sumipot sa mga nakaraang hearings patungkol sa mga isyu sa pambansang budget.
Matatandaang sinabi noon ni Secretary Diokno na hindi na siya pinayagan ng Malakanyang na dumalo sa mga pagdinig matapos tila nabastos nang isalang sa question hour ng Kamara.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na bahala na si Diokno sa kanyang mga susunod na hakbang.
Ayon Kay Panelo hindi naman daw siya abogado ni Diokno kundi abogado siya ng Presidente.
Nilinaw ni Panelo na hindi ito nangangahulugan na binabawi na ng Malacañang ang suporta kay Diokno.
Naniniwala naman si Secretary Panelo na hindi mauulit ang hindi magandang trato ng mga mambabatas kay Diokno.
Ulat ni Vic Somintac