NCRPO inirekomendang madeklara bilang Undesirable Alien ang Chinese national na nagsaboy ng taho sa nakatalagang pulis sa MRT-3
Inirekomenda ng National Capital Regional Police office (NCRPO) na ideklara bilang Undesirable Alien ang babaeng Chinese national na nagsaboy ng bitbit niyang taho sa pulis na nakatalaga sa Metro Rail Transit -3 (MRT) Boni Avenue station.
Ayon kay NCRPO chief Director Guillermo Eleazar, magiging basehan ang pagbansag kay Jiale Zhang para mapa-deport ito o mapalayas sa bansa.
Bukod dito, nahaharap sa patong-patong na mga kaso ang dayuhan gaya ng Direct Assualt, Disobedience to a Person in Authority at Unjust Vexation.
Posible ring magsampa ng kaso ang MRT-3 ng unjust vexation laban kay Zhang at ipagbawal ito na makasakay pa sa MRT.
Sinabi naman ni Vice President Leni Robredo, isang pambabastos ang ginawa ni Zhang hindi lamang sa kagawaran ng Pulisya maging sa buong Pilipinas.
Habang minaliit naman ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang insidente at sinabing puwede itong mangyari kahit saan.
Sa imbestigasyon ng pulisya, natuklasang anim na taon nang pabalik-balik ng Pilipinas si Zhang.
Dati na itong nanirahan sa Bacolod, Pasig at ngayon naman sa Mandaluyong.
May kapatid siyang nagtrabaho sa bansa pero umuwi na sa China noong Disyembre 2018.
Ang Bureau of Immigration (BI) ay nakikipag-ugnayan na sa Department of Transportation (DOTr) at NCRPO kaugnay sa kaso upang pag-aralan ang mga susunod na hakbang laban sa Chinese National.
Ang insidente ay nangyari noong Sabado kung saan matapos dumaan sa security check ang dayuhan bago pumasok sa waiting area ay sinita siya ng mga security guards dahil sa dala nitong taho na nakalagay sa paper bag.
Pero sa halip na sumunod sa liquid ban na ipinatutupad sa MRT ay ipinilit pa nitong dalhin ang inumin niyang taho pagsakay ng tren at isinaboy pa ang hawak nito kay PO1 William Cristobal, ang pulis na nakatalaga sa inspection area.
Ulat ni Earlo Bringas
Please follow and like us: