Chinese student na nagsaboy ng taho sa pulis, idinetine na ng Bureau of Immigration
Nakakulong na sa detention facility ng Bureau of Immigration sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang Chinese fashion student na nagtapon ng taho sa isang pulis sa MRT station.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, inilagay sa kustodiya ng kawanihan si Zhang Jiale sa bisa ng Mission Order na inisyu ni Immigration Commissioner Jaime Morente dahil sa paglabag ng dayuhan sa immigration laws ng bansa.
Nahaharap na anya sa reklamo si Zhang dahil sa pagiging undesirable alien at banta sa interes ng publiko.
Sinabi ni Sandoval na maaring maharap sa deportation at blacklisting ang Chinese.
Inaasahang mareresolba ng BI ang kaso ng Zhang sa mga susunod na linggo
Nilinaw pa ng BI na magkaiba ang deportation case ni Zhang sa BI sa kasong kriminal na kinakaharap nito sa korte na isinampa ni PO1 William Cristobal.
Dahil dito, sakaling ipagutos ang deportation ng banyaga ay hihintayin muna ng BI ang magiging desisyon ng hukuman sa kasong direct assault laban dito bago ipatupad ang deportation order.
Ulat ni Moira Encina