Mahabang traffic sa Metro Manila, inaasahang mababawasan sa pagbubukas ng NLEX Harbor Link segment 10 sa Feb 26, 2019

Luluwag ang trapiko sa metro manila sa oras na buksan ang NLEX Harbor Link segment 10.

Ito ang tiniyak ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark villar sa isinagawang inspeksyon sa 5.65 – km. portion ng NLEX Harbor link segment 20 mula sa Karuhatan, Valenzuela City patungo sa bagong Caloocan interchange sa C3 road, Caloocan city.

Ayon sa kalihim, ito ay inaasahang makatutulong para mabawasan ang trapiko sa Metro Manila dahil magsisilbi itong alternatibong daan para sa mga motorista na manggagaling sa mga lugar sa Central at North Luzon, Valenzuela at Quezon City papuntang Maynila.

Dagdag pa ng kalihim, mababawasan ng 10 minuto ang travel time mula C3 papasok ng NLEX at sa oras na buksan ito ay nasa 30,000 sasakyan ang makikinabang dito na karamihan ay mga truck.

Sinabi pa ni Villar, isusunod naman ng DPWH ang konstruksyon ng 2.6-km section mula C-3 road sa Caloocan city patungong Radial road 10 o R-10 sa Navotas city na inaasahang makukumpleto bago matapos ang taong ito.

Paliwanag ni Villar, dahil mababawasan na ang oras ng biyahe ng mga motorista ay makakatipid ang mga ito sa kanilang operating costs dahil hindi na sila maiipit sa trapik.

Umaasa naman ang DPWH na makatutulong ng malaki sa pag-unlad ng ekonomiya ang elevated expressway na ito dahil sa bilyon-bilyong pisong matitipid taun-taon bunsod ng mabilis na travel time.

 

Ulat ni Eden Santos

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *