Nagpanggap na Salvador Panelo, naaresto ng NBI sa Cebu City
Iniharap sa media ng NBI ang lalaking nagpanggap na si Presidential Spokesman Salvador Panelo sa social media account nito.
Ayon sa NBI, nadakip sa isang entrapment operation ng mga operatiba ng Anti-Organized and Transnational Crime Division nito sa Cebu City ang suspek na kinilalang si Jose A. Villafuerte.
Ang suspek ay kinasuhan na ng NBI ng mga kasong computer-related identity theft, obstruction of justice, unlawful use of alias, use of falsified documents, falsification of public documents, usurpation of authority at use of fictitious name.
Ikinasa ng NBI ang operasyom matapos makatanggap ng sulat mula sa Office of the Chief Presidential Legal Counsel para imbestigahan ang mga taong nasa likod Facebook account na nagpapakilalang si Panelo.
Ipino-post at kinukopya ng nasabing pekeng account ang mga anunsyo at updates mula sa lehitimong FB page ng OCPLC.
Napaniwala ang ilan na totoo ang nasabing account na may mga picture ni Panelo kaya in-add ito para humingi ng tulong legal.
Ayon sa imbestigasyon ng NBI, hiningan ng suspek ang mga biktima ng donasyon kapalit ng tulong sa kanila.
Nabatid ng NBI na may una na ring kasong qualified theft at estafa laban kay Villafuerte.
Nagpanggap naman ang isang ahente ng NBI bilang isang Henry Tan na hiningan ng suspek ng kalahating milyong piso para sa rehabilitation project sa Naga City para sa biktima ng bagyo.
Nagkasundo ang suspek at ang nagpanggap na donor na magkita sa Cebu City kung saan natimbog ang pekeng Panelo.
Ulat ni Moira Encina