Grupo ng Labor organizations, hinamon si Ambassador Mon Tulfo na magbitiw na sa puwesto matapos tawaging tamad ang mga Pinoy construction workers
Nanawagan ang mga Pinoy construction workers kay Special Envoy to China Mon Tulfo na makihalubilo sa kanila ng tatlong araw upang makita at malaman ang tunay nilang sitwasyon.
Ayon kay Associated Labor Union- Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP), spokesperson Alan Tanjusay, ito ang hamon nila kay Tulfo matapos ang binitiwang salita nito na tamad ang mga construction workers.
Aniya, masama ang loob kay Tulfo ng mga construction workers dahil kapwa Filipino pa anila ang nanlalait sa kanila lalu na’t isang kinatawan ng Pilipinas si Tulfo at binigyan ng mandato ng gobyerno na kumatawan sa interes ng Pilipinas sa ibang bansa.
Pero imbes na pagandahin ang Pilipinas, gumagawa pa ito ng di magandang imahe ng bansa.
“Sinusuwelduhan natin siya ng pera ng taumbayan pero tagapagsalita na pala siya ng mga Chinese workers. Para wala ng maraming kuwento, wh iniimbitahan nila si Ginoong Tulfo na pumunta at tumira sa isang construction site sa Metro Manila para maranasan niya kung paanong magtrabaho sa isang construction site”.
Kasabay nito, nanawagan din si Tanjusay kay Ambassador Mon Tulfo na magbitiw na sa puwesto dahil sa hindi magandang representasyong ginagawa nito sa Pilipinas.
“Kasama kami sa grupo ng mga Labor Organizations at Trade Union Congress of the Philippines na nananawagan na bumaba na sa puwesto at magresign si Special envoy Tulfo dahil hindi na niya inirerepresent ang magandang imahe ng Pilipinas”.
===============