Malakanyang naghihinala na artipisyal lamang ang nangyayaring kakapusan ng suplay ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan
Nagpahayag ng pagdududa ang Malakanyang sa sinasabing mayroong water supply crisis sa Metro Manila at karatig lalawigan.
Sa press briefing sa Malakanyang sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na hindi palalagpasin ng pamahalaan ang pagpapataw ng pananagutan sa water concessionaire na Manila Water kapag napatunayan na artificial lamang ang nangyayari ngayong kakulangan sa suplay ng tubig.
Ayon kay Panelo marapat lamang maimbestigahan ang pangyayaring ito.
Inihayag ni Panelo na nakapagtataka na may sapat na suplay ng tubig ang Maynilad habang ang Manila Water ay walang maisuplay gayong parehong sa Angat dam naman galing ang tubig na kanilang isinusuplay.
Niliwanag ni Panelo hindi naman maituturing na economic sabotage ang insidenteng ito bagaman nakaaapekto na rin sa maraming negosyo at mga residente kundi simpleng mismanagement at inefficiency sa distribusyon ng tubig ang problema.
Iginiit ni Panelo sa palitan nila ng mensahe ni Defense Secretary at National Disaster Risk Reduction o NDRRMC Chairman Delfin Lorenzana sinasabing puno naman ng tubig ang Angat dam.
Dahil dito ang konklusyon ni Panelo posibleng may problema lamang sa distribusyon ng tubig ng Manila Water na dapat nilang ayusin sa lalong madaling panahon.
Ulat ni Vic Somintac