Manila Water, humingi ng paumanhin sa mga customer nito dahil sa naranasang water shortage
Humingi ng tawad ang Presidente ng Manila Water Services Incorporated dahil sa nangyaring krisis sa tubig.
Sa pagdinig ng house committee on metro manila development na pinamumunuan ni Quezon City 2nd District Representative Winston Castelo at House Committee on Housing and Urban Development na pinamumunuan naman ni Negros Occidental Representative Albee Benitez ay inako ni Ferdinand Dela Cruz, Presidente at CEO ng Manila Water ang responsibilidad at humingi ng kapatawaran sa mga naapektuhang residente sa Metro Manila, Rizal at Cavite.
Humingi rin ito ng pang-unawa sa mga kongresista at nasasakupan ng mga ito dahil sa water shortage bunsod ng pagbaba sa critical level ng tubig sa La Mesa dam.
Gayunman sinabi nito na may mga solusyon na silang tinitignan upang masuplayan ng tubig ang kanilang costumer tulad ng pagkuha ng tubig sa laguna lake sa pamamagitan ng cardona water treatment plant project, deep wells at ang border cross flow kung saan ay bibigyan sila ng tubig ng Maynilad.
Pero sinabi nito na hindi nila prayoridad sa ngayon ang pagbibitiw sa puwesto gaya ng nais ng mangyari ng ilang Kongresista.
Tiniyak din nito na handa silang magbayad ng penalty dahil sa pangyayari subalit hindi pa nila napag-uusapan ang ukol sa refund sa kanilang mga consumer na naapektuhan ng kawalan ng supply ng tubig.
Aminado naman si MWSS Administrator Retired General Reynaldo Velasco na wala silang kapangyarihan na magpataw ng parusa sa 2 water conssessionaires sakaling may paglabag ang mga ito sa conssession agreement dahil walang nakasaad na probisyon sa kasunduan.
Gayunman tiniyak nito na sisiguraduhin nila na maipatupad at maisasagawa ang mga immediate measures na kanilang inilatag.
Una rito, nagisa ng husto ang Manila Water at maging ang MWSS sa pagdinig ng kamara kaugnay ng nangyaring krisis sa tubig sa Metro Manila, Rizal at Cavite.
Maagang sinimulan ang hearing para makadalo si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
Ayon kay Arroyo, hindi mahalaga kung satisfied sila sa naging presentasyon ng mga opisyal ng Manila Water, Maynilad, MWSS at iba pang ahensya.
Sa kanilang short at long term solution para maresolba ang krisis sa tubig.
Tinitignan aniya nila ang paglalagay ng penalty provision sa umiiral na batas batay sa rekomendasyon ng komite para sa mga hindi nakasunod sa ilang bahagi ng consession agreement.
Nakatutok ang imbestigasyon sa sanhi ng kakulangan ng supply, mga solusyon tulad ng cross border flow, deep well, cardona plant at hanggang kailan tatagal ang problemang ito.
Tiniyak naman ng liderato ng Kamara na ang pagsasagawa ng imbestigasyon ay hindi para magturuan kung sino ang dapat sisihin sa pagkawala ng suplay ng tubig ng amnila water sa kanilang consumers sa nakalipas na halos dalawang linggo kundi para alamin ang mga solusyon upang hindi na ito maulit.
Ulat ni Eden Santos