Kamara at Senado nagdayalogo na para sa ayusin ang gusot sa 2019 budget
Nagsimula na ang dayalogo ng Kamara at Senado kaugnay ng nangyaring girian sa pork barrel sa 3.7 trillion 2019 National Budget.
Ang dayalogo ay ginawa sa tanggapan ni Senate President Vicente Sotto III.
Sa panig ng Kamara, present sa meeting sina House Appropriations committee chairman Rolando Andaya, Albay Cong. Edcel Lagman at San Juan Cong. Ronaldo Zamora.
Kumatawan naman sa Senado sina Finance committee chairman Loren Legarda, Senador Panfilo Lacson at si Senador Gringo Honasan.
Tinatalakay sa close door meeting ang ginawa ng Kamara na paglilipat sa distrito ng mga Kongresista ng 75 billion na alokasyon para sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Pero nanindigan si Andaya na wala silang isiningit na Lumpsum appropriations at nagsagawa lang sila ng line item budgeting gaya ng ginagawang proseso at kalakaran na sa pag-aapruba ng budget.
Gayunman, umaasa itong maayos ang gusot para maisumite at malagdaan ng Pangulo ang pondo bago ang March 29.
Bukod sa mga Senador at Kongresista dumadalo sa dayalogo ang mga kinatawan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ulat ni Meanne Corvera