Epekto ng El Niño sa bansa, minimal lang – NEDA
Wala umanong magiging matinding epekto sa ekonomiya ng bansa kahit pa sa inflation ang nararanasang tagtuyot dulot ng El Niño.
Ayon kay National Economic Development Authority (NEDA) Socio Economic planning secretary Ernesto Pernia, aabot lang naman sa 8-9 percent ang ambag ng sektor ng agrikultura sa ekonomiya.
Bukod dito, nananatili pa ring namang stable ang suplay ng bigas at iba pang agricultural products kahit apektado ng tagtuyot ang mga magsasaka.
Paliwanag ni Pernia, bukod sa maagang nakapag-harvest ang mga magsasaka maaaring ilabas na sa susunod na linggo ang implementing Rules ang Regulations ng inaprubahang Rice Tarrification Law.
Nangangahulugan ito na masisimulan na rin ang malayang pag-aangkat ng bigas.
Inaasahan rin aniya ng binuong Task Force El Niño ng gobyerno na minimal lang ang magiging epekto ng tagtuyot dahil mas mahina ito kumpara sa narasang El Niño noong 2015 hanggang 2016 at inaasahang hihina na ito sa susunod na buwan.
Katunayan sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), hanggang ngayong huling linggo ng Marso, naitala lamang sa 1.3 bilyong piso ang pinsala sa agrikultura, partikular na 70,353 ektaryang taniman ng palay at mais.
Gayunmanm, may ginawa na aniya silang mga hakbang para maiwasan pa ang matinding pinsala.
Kabilang na rito ang cloud seeding, pagregulate ng National Irrigation Administration (NIA) sa pagpapalabas ng tubig, pagbabawal sa dilg o mga bumbero na magsayang ng tubig at masusing pagmonitor sa mga dam.
Kung tutuusin, makatutulong pa aniya ang Dry season dahil magpapatuloy naman ang mga konstruksyon sa mga proyekto ng gobyerno sa ilalim ng Build, Build, Build program ng pamahalaan.
Sa ngayon, hinihintay na lamang aniya nila ang approval ng Pangulo sa budget para mabigyan ng ayuda ang mga apektadong magsasaka.
Ulat ni Meanne Corvera