Pagpopost ng mga personal documents online, maaaring maging ugat ng Cybercrime- ayon sa isang IT Expert
Dapat maging maingat ang isang indibidwal sa pagsi-share ng kaniyang mga personal na dokumento online na kalimitang nagiging ugat ng cybercrime.
Sa panayam ng Teleradyo program na Saganang Mamamayan, sinabi ni Ginoong Efren Tercias, isang IT expert, hindi napapansin at alam ng marami ang masamang dulot ng pagsi-share at pagpo-post ng isang mahalagang bagay sa Social Media sites.
Halimbawa aniya dito ay ang pagpopost ng passport, visa, drivers license at iba pang importante at personal na dokumento na may kasamang picture.
Bagamat ang intensyon ng nag-post ay mai-share lamang online o maipagmalaki sa kaniyang mga kaibigan ang kaniyang accomplishment, hindi nito alam na maaari itong gamitin ng masasamang loob na makuha ang mga impormasyong ipinost niya.
Payo ni Tercias, bago i-post o i-share ay burahin muna ang mga detalye ng ipopost na dokumento upang hindi mabiktima ng cybercrime.
“Sa atin mismong mga social media users dapat magsimula ang pag-iingat. Bago natin i-post yung mga ganyan, burahin natin ang mga detalye bago i-share. Yung iba kasi sa sobrang excitement nagmamadali, kaka-receive lang pinicturan agad, pinost agad”.
Samantala, pinag-iingat din ni Tercias ang mga netizens sa paggamit ng mga tinatawag na “third party applications” sa mga social media sites na kalimitang humihingi ng pahintulot na gamitin ang personal profile ng isang online user.
Sa mga ganito aniyang applications, hindi napapansin ng isang indibidwal na binibigyan na niya ng pahintulot ang sinuman na mabasa ang inyong personal profile sa sandaling i-click nya ang “YES” icon sa application.
Maaari rin aniyang magamit ang mga personal information ng isang user upang ibenta ito sa mga advertisers.
“Minsan may sasagutan ka dyan na if you are allowing the application to use your profile. So pag nag-Yes ka dahil nainggit ka dun sa kaibigan mo na ang ganda rin ng picture kamukha ng isang artista, gusto mo ring malaman kung sino kamukha mong artista, eh nag-Yes ka agad. Ngayon binigyan mo ng karapatan itong application na mabasa ang iyong personal profile gaya ng email, contact number, birthday, etc kaya nakukuha na nila yung iyong personal information“.