Imbestigasyon sa illegal drugs operation na nag-uugnay kay Paolo Duterte, muling pinabubuksan sa Senado
Hinimok ni Senador Franklin Drilon ang Senate Blue Ribbon Committee na muling buksan ang imbestigasyon ng Senado sa operasyon ng iligal na droga kung saan idinadawit ang anak ni Pangulong Duterte na si dating Davao Vice Mayor Paolo Duterte at Agriculture Undersecretary Waldo Carpio.
Kasunod ito ng paglutang ng isang nagpakilalang Bikoy sa isang video footage kung saan inaakusahan ang anak ng Pangulo na umano’y tumanggap ng pay-offs mula sa mga sindikato ng droga.
Itinanggi na ni Paolo Duterte ang mga alegasyon at iginiit na gawa-gawa lang ito ng mga nasa likod ng smuggling ng bigas at asukal na hindi nila pinayagang makapasok sa Davao.
Pero ayon kay Drilon, magandang pagkakataon ang imbestigasyon ng Senado para linisin ng batang Duterte ang kaniyang pangalan.
Pero tumanggi na si Drilon na magkomento sa nilalaman ng video dahil bilang isang abugado dapat aniya itong suportahan ng mga ebidensya.
Apila naman ni Senador Leila de Lima, mas mabuting ipakita na lang ni Paolo Duterte sa publiko ang kaniyang tattoo kung wala itong itinatago.
Nauna nang ibinunyag ni Senador Antonio Trillanes na ang tattoo sa likod ni Paolo Duterte ang magpapatunay na miyembro ito ng isang drug syndicate.
Ulat ni Meanne Corvera