Malakanyang, handang ibasura ang Chico river irrigation pump project loan agreement ng Pilipinas at China kung may batas na nalabag
Handa ang Malakanyang na kanselahin ang Chico River Irrigation Pump Project loan agreement ng Pilipinas at China kapag mapapatunayang mayroon itong paglabag sa batas.
Ito ang sagot ng Malakanyang matapos maghain ng petisyon sa Korte Suprema ang grupo ng mga militanteng mambabatas para ibasura ang Chico River Irrigation Pump Project loan agreement ng Pilipinas sa China na nagkakahalaga ng 62 milyong dolyar.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na bago pa man naghain ng petisyon ang mga militanteng mambabatas sa hukuman ay ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Office of the Solicitor General at Department of Justice ang pagrepaso sa lahat ng mga kontratang pinasok ng gobyerno kasama ang Chico River Irrigation Pump Project.
Ayon kay Panelo may karapatan ang gobyerno na kanselahin ang anumang kontrata sa sandaling mapatunayan na may nalalabag na probisyon ng konstitusyon.
Inihayag ni Panelo nagpaliwanag na ang economic team ng administrasyon na above board ang Chico River Irrigation Pump Project loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at China.
Ulat ni Meanne Corvera