Loan agreement na pinasok ng Pilipinas sa Chico River Irrigation Pump Project ng China, hiniling sa Korte Suprema na ipahinto at ideklarang labag sa Konstitusyon
Kinuwestyon sa Korte Suprema ng mga militanteng Kongresista ang mahigit 62 million US dollar na loan deal ng Pilipinas sa Chico River Irrigation Pump Project ng China.
Sa mahigit 60-pahinang petisyon, hiniling ng MAKABAYAN bloc sa Supreme Court na ideklarang iligal at labag sa Saligang Batas at ipawalang-bisa ang loan agreement sa China.
Partikular na nilabag ng kasunduan ay ang right to information ng sambayanang Pilipino sa mga foreign loans na pinasok ng gobyerno dahil sa pagkakaroon ng confidentialy clause sa loan deal sa Chico River.
Nais din ng mga petitioner na mag-isyu ang Korte Suprema ng TRO para ipatigil ang implementasyon ng loan deal sa Chico River sa pagitan ng Export-Import Bank of China at ng gobyerno ng Pilipinas.
Gusto rin ng MAKABAYAN bloc na atasan ng SC ang mga respondents na ibigay ang kopya ng mga procurement documents kaugnay sa kaso.
Maging ang certified true copies ng lahat ng pinasok na loan agreement ng Pilipinas sa China ay hiniling ng mga petitioners.
Duda rin ang mga militanteng grupo na makakabayad ang Pilipinas sa nasabing utang sa susunod na 20 taon.
Babala pa nila na mapanganib ang loan deal dahil tali ang kamay ng Pilipinas kaya dapat itong mabasura.
Respondents sa petisyon sina Pangulong Duterte, Executive Secretary Salvador Medialdea, Finance Sec. Carlos Dominguez III, NEDA Secretary Ernesto Pernia, Justice Secretary Menardo Guevarra at NIA Administrator Ricardo Visaya.
Ulat ni Moira Encina