Dating Pagcor chairman Naguiat at 4 dating opisyal, sinampahan ng mga reklamong Malversation at Plunder sa Ombudsman
Ipinagharap ng reklamong malversation at plunder sa Office of the Ombudsman si dating PAGCOR Chairman at CEO Cristino Naguiat Jr. at limang dating opisyal dahil sa mahigit 317 million pesos na kwestyonableng disbursement noong 2012 at 2013 mula sa intel funds ng ahensya.
Ang reklamo ay inihain ni dating Congressman at brodkaster na si Angelo Palmones sa pamamagitan ng Complaint-Affidavit in Intervention.
Una nang sinampahan si Naguiat ng mga parehong reklamo sa Ombudsman ng isang Valente Custodio
Pero ayon kay Palmones, dapat ding ipagharap ng reklamo ang mga dating opisyal ng PAGCOR na nakipagkuntsaba kay Naguiat.
Bukod kay Naguiat, inireklamo ni Palmones sina:
1. Estela P. Ramos- dating PAGCOR Vice-President ng Finance & Treasury Department
2. Virginia Talavera- dating Assistant Vice-President ng Finance & Treasury Department
3. Vidal T. Cabigon Jr.- dating Assistant Vice-President ng Accounting Department
4. Byron D. Tabangay- dating Assistant Vice-President ng Security Department
5. Michael DJ Bailey- dating OIC ng Security Department; at
6. Mga John Does
Nag-ugat ang reklamo sa inilabas na pondo nina Naguiat na mahigit 254.85 million pesos noong 2012 at 62.82 million pesos noong 2013.
Ang pondo ay kinuha mula sa Confidential at Intelligence Fund ng PAGCOR para sa tinatawag na “Save The House” o STH project sa panahon panunungkulan ni Naguiat
Sinasabing nagsimula ang proyekto noong 2010 na may budget lamang na mahigit 67 million pesos pero nagpatuloy ito hanggang 2012 at 2013 kung saan lumobo ang pondo nito ng halos limang beses.
Binanggit pa sa reklamo na nag-isyu na ang COA ng Notice of Disallowance para sa 254 million pesos na disbursement at Notice of Suspension naman sa 62 Million pesos disbursement dahil sa kabiguan nina Naguiat na maipaliwanag at maliquidate ang inilabas na pondo.
Ayon sa reklamo, lumalabas na nagkaroon ng misappropriation o iregularidad sa disbursement dahil sa kabiguan ni Naguiat at iba pang respondents na i-justify at i-liquidate ito sa kabila ng paulit-ulit na demand ng COA.
Ulat ni Moira Encina