Paglikha ng Department of Water, idudulog ng Malakanyang sa LEDAC
Hihilingin ng Malakanyang sa Legislative Executive Development Advisory Council o LEDAC ang suporta sa paglikha ng Department of Water.
Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Alexi Nograles na kailangan ang congressional action para malikha ang Department of Water.
Ayon kay Nograles ang Department of Water ang magsasagawa ng konkretong master plan para maresolba ang problema sa supply ng tubig sa bansa sa panahon ng tagtuyot o pananalasa ng El Niño.
Inihayag ni Nograles ang ilalabas na Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang problema sa nararanasang kakulangan sa supply ng tubig sa Metro Manila at karatig lalawigan ay pansamantala lamang.
Ngayong araw na ito ang deadline na ibinigay ng Pangulo sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS para magsumite ng report kung ano talaga ang ugat ng pagkawala ng supply ng tubig ng Manila Water na nagsusuply ng tubig sa Eastern part ng Metro Manila.
Ulat ni Vic Somintac