Pagtaas ng satisfaction rating ni Pangulong Duterte sa latest SWS Survey, ikinatuwa ng Malakanyang
Welcome sa Malakanyang ang pinakahuling resulta ng Social Weather Station o SWS survey kung saan lumalabas na 79 percent ng mga Pilipino ang nagsabing kuntento sila sa performance ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa survey lumalabas na nasa positive 66 percent ang net satisfaction rating ng Pangulo para sa first quarter ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo ang resulta ng survey na ito ay nagpapakita lamang na habang patuloy sa paninira ang mga kritiko ng Pangulo ay mas lalo lamang tumataas ang rating na nakukuha nito.
Sinabi ni Panelo tila aniya nagiging bingi ang mga kritiko sa boses ng mayorya ng mga Pilipino at nagiging bulag ang mga ito sa mga pagbabagong sosyal at politikal na dala ng Pangulo na hanggad lamang ay maprotektahan ang interes ng nakararami.
Payo ni Panelo sa mga kritiko sa halip na magpatuloy sa kanilang hate campaign laban kay Pangulong Duterte mas makabubuti na makibahagi sila sa mayora ng mga Pilipino na sumusuporta sa mga programa ng administrasyon na nakadisenyo sa paglilingkod at pagprotekta sa bayan, at sa pagpapaunlad nito.
Inihayag ni Panelo hindi magpapaapekto si Pangulong Duterte sa kahit anumang kritisismo at magpapatuloy lang ito sa pagtupad ng kaniyang mga ipinangakong adbokasiya na labanan ang iligal na droga, korupsyon, rebelyon at krimen sa bansa.
Naniniwala si Panelo na kaya nananatili ang tiwala ng taongbayan sa Pangulo dahil sa kanyang ginagawa para sa kapakanan ng sambayanan at buong bansa.
Ulat ni Vic Somintac