Mga lamok na naghahatid ng sakit na Dengue mas agresibo kapag tag init – DOH
Bukod sa heat stroke at ibang sakit na maaaring makuha ngayong tag init, napakataas umano ng posibilidad na dumami ang bilang ng mga mabibiktima ng dengue.
Ayon sa Department of Health (DOH), kapag tag init, mas agresibo umano ang mga lamok na naghahatid ng dengue kung kaya’t lalong pinag iingat ang publiko laban sa naturang sakit.
Ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, tumatagal ang buhay ng virus at mas nagiging agresibo at nangangagat ang mga lamok kapag mainit ang panahon.
Ito anya ang dahilan kung bakit kapag may El Niño ay tumataas ang kaso ng dengue.
Sinabi rin ni Domingo na isa pa sa mga dahilan ng pagtaas ng kaso ng dengue kapag summer ay ang madalas na pag-iimbak ng tubig na maaaring pamugaran ng mga kiti-kiti.
Giit ng health official, dapat gamitin lamang o inumin sa loob ng 2 hanggang 3 araw ang mga iniimbak na tubig.
Ulat ni Belle Surara