Economic team, may nakahandang contingency plan sakaling i-veto ni Pangulong Duterte ang 2019 National Budget – Malakanyang
Pinawi ng Malakanyang ang pangamba ng mga kritiko ng administrasyon na maaapektuhan ang ekonomiya ng bansa sakaling i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong probisyon ng 2019 proposed National Budget na nagkakahalaga ng 3.757 trillion pesos.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nakahanda ang economic managers ng pamahalaan na hanapan ng pondo ang mga proyekto at programa na nakapaloob sa 2019 National Budget.
Ayon kay Panelo binubusisi pa ng Office of the President ang enrolled bill ng pambansang pondo para masigurong hindi malakalusot ang anumang ilegal na probisyon.
Ginawa ni Panelo ang pahayag matapos sabihin ni Pangulong Duterte na hindi siya mangingiming i-veto ang buong National Budget kapag nakitang may mga probisyong lalabag sa batas.
Magugunitang hindi talaga nagkasundo ang mga senador at kongresista sa isyu ng budget insertion sa National Budget at ipinasa ang bola sa Pangulo.
Inihayag ni Panelo na abogado ang Pangulo kaya maingat na binubusisi ang bawat probisyon ng National Budget.
Dahil sa pagkakaantala sa pagpirma ng Pangulo sa National Budget patuloy na ginagamit ng gobyerno ang 2018 reenacted budget.
Ulat ni Vic Somintac