Manila RTC hindi pinagbigyan ang mosyon ni Maria Ressa na ibasura ang kasong cyberlibel laban dito
Tuloy ang pagbasa ng sakdal kay Rappler CEO Maria Ressa sa kasong cyberlibel laban dito.
Ito ay matapos ibasura ni Manila RTC Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa ang motion to quash na inihain ni Ressa at dating reporter ng Rappler na si Reynaldo Santos Jr.
Itinakda ang arraignment nina Ressa at Santos sa Martes, Abril 16 sa ganap na alas-8:30 ng umaga.
Hindi pinagbigyan ng Korte ang hirit nina Ressa at Santos na mabasura ang kasong cyberlibel sa kanila dahil sa kawalan ng merito.
Ang kaso laban sa online new website ay bunsod ng artikulong inilathala nito noong 2012 at muling inilathala noong 2014 kung saan tinukoy nito ang negosyanteng si Wilfredo Keng ang nagmamay-ari ng itim na SUV na ginagamit noon ni dating Chief Justice Renato Corona.
Inakusahan din si Keng ng pagkakasangkot sa drug trafficking, smuggling at murder.
Ulat ni Moira Encina