Ilang residente sa paligid ng New Bilibid Prison, hiniling sa DOJ na ipatigil ang demolisyon ng kanilang mga bahay
Sumugod sa DOJ sa Padre Faura, Maynila ang ilang residente sa paligid ng New Bilibid Prisons sa Brgy. Poblacion sa Muntinlupa City para ipatigil ang demolisyon ng kanilang mga bahay.
Nagpadala rin ng sulat kay Justice Secretary Menardo Guevarra ang grupong Kalipunan ng mga Mamamayan na Pinagkaisa sa NBP Inc., o KAMPINA para idulog ang reklamo nila sa development plan ni Bureau of Corrections Director Nicanor Faeldon.
Sa kanilang liham, sinabi ng grupo na Enero pa nitong taon ay pinutulan na sila ng suplay ng kuryente at tubig.
Reklamo pa nila ilang dekada na silang naninirahan doon at wala naman alok na maayos na malilipatan para sa mga apektadong pamilya.
Ayon sa kanila, tinatayang nasa 30,000 indibidwal ang apektado ng nakaambang demolisyon.
Umaasa ang mga residente na pakikinggan ni Guevarra ang kanilang daing laban sa kautusan ni Faeldon na nagpapaalis sa kanila sa lugar.
Ulat ni Moira Encina