Bilateral mechanism sa pagitan ng Pilipinas at China tanging susi sa paglutas ng gusot sa mga pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine Sea ayon sa Malakanyang
Itinanggi ng Malakanyang na naging malambot si Pangulong Rodrigo Duterte sa pakikipag usap kay Chinese President Xi Jinping sa isyu ng territorial dispute sa West Philippine sea.
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na kung tutuusin naging assertive pa nga ang Pangulo o diretsahang sinabi kay President Xi na pag aari ng Pilipinas ang Pag asa island.
Ayon kay Panelo sinabi ng Pangulo kay President Xi na sa ngayon ay maraming irritants at hamon na nakaamba sa ilang lugar na sakop ng teritoryo ng bansa tulad ng mga Chinese vessel sa Pag asa island, at ang patuloy na pambubulabog ng Chinesea coast guard sa mga mangingisdang Pilipino sa Scarborough shoal.
Inihayag ni Panelo hindi naman itinuturing ng Malakanyang na may deadlock ngayon sa usapin ng West Philippine sea matapos ang bilateral meeting ng dalawang lider.
Niliwanag ni Panelo parehong naghayag ng pagiging bukas sina Pangulong Duterte at President Xi na muling mapag usapan ang isyu sa ibang pagkakataon gamit ang bilateral mechanism.
Iginiit ni Panelo na hindi isinusuko ni Pangulong Duterte ang karapatan ng Pilipinas sa mga pinagtatalunag teritoryo sa West Philippine sea.
Ulat ni Vic Somintac