NBI posibleng iharap sa media ang taong sinasabing nagpakalat ng video na naguugnay sa pamilya ng Pangulo sa iligal na droga
Tumanggi pa muna ang NBI na magbigay ng detalye kaugnay sa pagkakaaresto nito sa taong sinasabing nagpakalat sa Internet ng video ng isang alyas Bikoy na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Duterte sa iligal na droga.
Pero ayon sa NBI PIO, posibleng sa Biyernes ay iharap nila sa media ang naaresto nitong person of interest para siya mismong magsalaysay ng mga detalye.
Una nang kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na nasa kustodiya na ng NBI ang taong sinasabing nag-upload ng mga ‘alyas Bikoy’ videos.
Sinabi ng kalihim na sinilbihan ng NBI ng search warrant ang hindi pa muna pinangalanang lalaki.
Hindi pa matukoy ng kalihim na kung ang taong naglabas ng video ay ang alyas Bikoy din na makikita sa video.
Ayaw rin pa muna ni Guevarra na magbigay ng karagdagang detalye dahil sa nagpapatuloy pa ang operasyon ng NBI.
Matatandaang kumalat sa social media ang video na may titulong ‘Ang Totoong Narcolist’ kung saan inihayag ng isang alyas Bikoy na nakasuot ng hoodie jacket ang pagkakasangkot ng ilang miyembro ng pamilya ng pangulo sa illegal drug trade.
Ulat ni Moira Encina