OSG, hiniling sa Supreme Court na ibasura ang mga Petition for Writ of Amparo at Habeas Data na inihain ng NUPL
Ipinababasura ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema ang Writ of Amparo at Habeas Data petitions na inihain ng National Union of People’s Lawyer (NUPL) laban kay Pangulong Duterte at mga matataas na opisyal ng militar.
Sa Return of Writ na inihain ng OSG, sinabi nito na walang ebidensya ang NUPL na sumusuporta sa kanilang mga alegasyon na may banta sa kanilang buhay at seguridad ang mga respondents kaya dapat agad na ibasura ang petisyon.
Ayon pa sa OSG, walang legal standing ang NUPL para isampa ang mga nasabing petisyon.
Katwiran pa ng OSG, ang simpleng pagiging miyembro ng NUPL ay hindi katumbas ng aktwal na banta na nangangailangan ng Writ of Amparo.
Una nang nagisyu ang Supreme Court ng writ of habeas data at amparo pabor sa NUPL.
Inatasan din ng SC ang Court of Appeals na dinggin ang petisyon sa Mayo 14 at pagpapasyahan ito sa loob ng sampung araw matapos na maisumite ang kaso para desisyunan.
Nagpasaklolo ang NUPL sa Korte Suprema matapos makaranas ng anila’y pagbabanta at panghaharaas mula sa militar at pag-ugnay sa kanila sa CPP-NPA.
Ulat ni Moira Encina