IBP National President Abdiel Dan Elijah Fajardo, sinampahan ng disbarment case sa Korte Suprema
Ipinagharap ng Disbarment complaint sa Korte Suprema ang liderato ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) dahil sa pagpapagamit sa pasilidad nito para sa pamumulitika at personal na interes ni Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si alyas Bikoy.
Partikular na sinampahan ng Disbarment case ng Kabalikat Partylist sina IBP outgoing President Abdiel Dan Elijah Fajardo at ang Vice-Chair at incoming President nito na si Domingo Egon Cayosa.
Ayon sa mga complainant, nilabag nina Fajardo at Cayosa ang nakasaad sa probisyon sa Code of Professional responsibility na hindi dapat himukin ng abogado ang kliyente na gumawa ng iligal.
Tinukoy ng grupo ang presscon ni Advincula sa Punong tanggapan ng IBP kung saan pinaratangan nito na sangkot sa iligal na droga ang pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Lumalabas anila na inudyukan ng IBP si Advincula na gawin ang krimeng Slander at Inciting to Sedition dahil sa paninirang puri nito at paghimok na magalit sa gobyerno ang publiko.
Hindi naniniwala ang mga complainant na walang alam sina Fajardo sa mga inihayag ni Advincula.
Iginiit ng grupo na non partisan ang IBP pero ang presscon ni Advincula ay nangangamoy politika na hindi sang-ayon sa mga adhikain ng IBP.
Ulat ni Moira Encina