Kontrata ng Smartmatic pinapa-review ng Palasyo sa Comelec kasunod ng mga naitalang aberya sa VCMs
Kumbinsido ang Malakanyang na kailangan nang i-review ng Commission on Elections o Comelec ang kontrata ng Smartmatic matapos na maitala ang maraming aberya sa katatapos na halalan.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo dapat turuan nang leksiyon ang Smartmatic dahil sa dami nang sablay nito sa pagpapatupad ng automated election.
Ayon kay Panelo dapat din umanong maipaliwanag nang maayos ng smartmatic ang dahilan ng mga aberya sa mga Vote Counting Machines o VCMs dahil kung hindi ay pwede itong sampahan ng asunto.
Pero batay umano sa paliwanag nang ilang IT experts malaki talaga ang tiyansa na magloko ang mga VCMs lalo na’t tatlong taon ang nakalipas bago ito ginamit ulit.
Iminungkahi naman ni Panelo ang pagkakaroon ng regular testing sa mga VCMs upang masigurong gumagana ito sa oras na muli itong gamitin.
Ulat ni Vic Somintac