Limang human trafficking victims, naharang sa Clark Airport
Limang undocumented OFWs ang napigilang makalabas ng bansa ng mga tauhan ng Bureau of Immigration sa Clark International Airport sa Pampanga.
Sinabi ni BI port operations division chief Grifton Medina, nagpanggap na mga turista ang limang babae trafficking victims para makaalis ng bansa patungong Malaysia at United Arab Emirates.
Naharang anya ang mga Pinay sa dalawang magkahiwalay na insidente.
Tatlo sa mga OFWs ay papunta sana sa Kota Kinabalu para magtrabaho bilang nightclub entertainers habang ang dalawa ay sa Lebanon para maging domestic helpers.
Ayon sa BI, ang tatlo sa mga Pinay ay inalok ng trabaho na natanggap nila online at nagbayad sila sa isang Danilo sa isang mall sa Quezon City ng 10 libong piso para sa kanilang recruitment.
Magtatrabaho dapat sila sa isang pub sa Kota Kinabalu at sa Hongkong naman nila makukuha ang kanilang mga dokumento.
Ang dalawa namang biktima ay nagprisinta ng pekeng UAE visas at inaming sinabihan sila ng kanilang recruiter na huwag aminin ang tunay nilang destinasyon.
Nai-turn over na ang limang Pinay sa Inter-Agency Council Against Trafficking para sa tulong at karagdagang imbestigasyon.
Ulat ni Moira Encina