National Printing Office, pinagpapaliwanag ng Comelec sa umano’y sub-contract sa printing ng balota
Pinagpapaliwanag na ng Commission on Elections ang National Printing Office dahil sa natanggap nilang ulat na ipina-sub contract nito ang pag-iimprenta ng mga Voters Information sheet.
Ayon kay Comelec Commissioner Rowena Guanzon nakatanggap sila ng mga report na nagkabali-baligtad ang numbering ng mga kandidato na nagresulta ng kalituhan sa publiko.
Sa natanggap nilang impormasyon, hindi tugma ang numbering ng pangalan ng kandidato sa balota at voter information sheet.
Iginiit ni Guanzon na labag sa batas ang ginawa ng npo na pagpapa sub contract dahil nalito ang botante at maari silang maharap sa kasong kriminal.
Pinili aniya nila ang NPO o Government to Government para wala nang bidding.
Pinabubusisi na rin ng Comelec ang proseso ng bidding at deliveries ng SD cards.
Banta ng Comelec hindi babayaran ng buo ang contractor nito dahil sa mga pumalpak na SD cards kaya na-delay ang transmittal ng resulta.
Tiniyak naman ng Comelec na walang dayaan o magic kahit pa may nangyaring delay sa Transmission sa official canvassing ng National Board of Canvassers.
Para patunayang walang nangyaring hokus pokus handa aniya nilang ipasuri sa third party audit ang resulta ng eleksyon kasama na ang NGO na PPCRV.
Ulat ni Meanne Corvera