Korte Suprema pinaboran ang mosyon ng dalawang kandidato sa Negros Occidental laban sa pagdiskwalipika sa kanila ng COMELEC dahil sa paggamit ng lumang COCs
Kinatigan ng Korte Suprema ang mosyon ng dalawang kandidato sa Negros Occidental na diniskwalipika ng Comelec dahil sa paggamit ng lumang format sa inihaing Certificate of Candidacy o COC.
Sa apat na pahinang resolusyon noong May 10, nagpalabas si Chief Justice Lucas Bersamin ng Status Quo Ante Order pabor sa mga kandidato sa pagka-konsehal sa Escalante, Negros Occidental na sina Nicolas Ponsica Jr. at Merly Iroma.
Inatasan din ng Supreme Court ang Comelec na maghain ng komento sa loob ng 10 araw.
Ang kaso nina Ponsica at Iroma ay isinama ng Korte Suprema sa limang iba pang katulad na kaso kabilang ang kay Baguio Mayoralty candidate Atty. Edgar M. Avila.
Ang mosyon ng Status Quo Ante Order ni Avila ay una nang pinaboran ng SC.
Inatasan din ng Korte Suprema ang Comelec na itigil ang implementasyon ng resolusyon nito na nagsasaad na ituturing na not filed ang COCs na lumang format ang ginamit.
Ulat ni Moira Encina