Pag-recall ng DFA sa Ambassador at Consul ng Pilipinas sa Canada dahil sa isyu ng basura, suportado ng Malakanyang
Suportado ng Malakanyang ang naging desisyon ni Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na pauwiin ang ambassador ng Pilipinas sa Canada gayundin ang mga consuls matapos mabigo ang Canadian government na kunin ang kanilang basura na itinambak sa Pilipinas.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing sa Malakanyang bilang alter ego ni Pangulong Duterte ang desisyon ni Locsin para sa recall ng ambassador ng Pilipinas sa Canada matapos hindi masunod ng Canadian government ang itinakdang May 15 deadline upang kunin nila ang tone-toneladang basura na itinambak sa Pilipinas noong 2013 at 2014 ay naaayon sa paninindigan ng Chief Executive.
Ayon kay Panelo hanggang hindi nakukuha ng Canada ang kanilang basura ay mananatili ang pag-recall sa ambassador at mga consuls ng Pilipinas sa Canada.
Nauna rito inihayag ng Canadian embassy sa Pilipinas na handa nilang pasanin ang gastos upang maibalik sa kanilang bansa ang tone-toneladang basura.
Nagbanta rin si Pangulong Duterte na kapag hindi kinuha ng Canada ang kanilang basura ay siya mismo ang magbabalik nito at itatambak niya sa mga dalampasigan ng Canada ang nasabing mga basura.
Ulat ni Vic Somintac