Committee report sa Sin Tax bill nilagdaan na ng limang Senador
Nakipagdayalogo na si Finance Secretary Carlos Dominguez sa mga Senador at nakiusap na ipasa ang panukalang itaas ang buwis sa Tobacco products sa nalalabing dalawang linggong sesyon.
Ayon kay Senate majority leader Juan Miguel Zubiri, iginiit ni Dominguez ang karagdagang pondo para matustusan ng gobyerno ang implementasyon ng Universal Health Care law.
Sinabi ni Zubiri na napagkasunduan sa ipinatawag na caucus ng Senado na isalang na ang panukala sa plenaryo sa Lunes.
Pero aminado si Senate President Vicente Sotto III na mahihirapan itong makalusot lalu’t marami pang hindi nasasagot na tanong sa pagtalakay sa committee level.
Nangangamba rin aniya ang Senado na mapasama ito sa listahan ng mga panukalang batas na matapos ipasa ng Senado ay ivineto ng Pangulo.
May anim na araw na lamang ang dalawang Kapulungan para talakayin ang Sin Tax bill.
Sa nakabinbing panukala nais ng mga mambabatas na itaas mula 60 hanggang 90 pesos ang kada pakete ng sigarilyo.
Ulat ni Meanne Corvera