Atty. Ferdinand Topacio, pinaiimbestigahan sa Korte Suprema ang mga opisyal ng IBP na pumayag sa presscon ni Peter Advincula alyas Bikoy sa IBP headquarters
Hiniling ng abogadong si Ferdinand Topacio sa Korte Suprema na imbestigahan at papanagutin nito ang mga opisyal ng Integrated Bar of the Philippines na pumayag para isagawa sa headquarters ng IBP ang presscon ni Peter Joemel Advincula na nagpakilalang si alyas Bikoy.
Sa tatlong pahinang sulat kay Chief Justice Lucas Bersamin, sinabi ni Topacio na nilabag ng mga opisyal ng IBP ang sarili nitong By-laws dahil sa pagpapagamit nito sa tanggapan nito para sa pamumulitika.
Ang pulong balitaan anya ni alyas Bikoy noong May 6 ay taliwas sa mga layunin ng IBP kung saan pinaratangan nito ang pamilya at malalapit kay Pangulong Duterte na sangkot sa illegal drug trade.
Partikular na kinastigo ni Topacio sina IBP National President Abdiel Dan Fajardo, vice chairman at incoming president Domingo Egon Cayosa at IBP National Director for Legal Aid Atty Minerva Ambrosio.
Mahirap anyang paniwalaan ang pagtanggi ng mga IBP officials na wala silang alam sa presscon ni alyas Bikoy dahil naka-set up na ang kwartong pinagsagawaan nito.
Iginiit ni Topacio na dapat panagutin ng Supreme Court ang mga IBP officials dahil kung hindi nila alam ang presscon ay ibig sabihin ay nagpabaya ang mga ito at kung alam naman nila ay naging kasabwat sila ni Advincula.
Ulat ni Moira Encina