Quezon City RTC hinatulang guilty si Reynaldo Parojinog Jr. sa kasong illegal possession of drugs
Hinatulang guilty ng korte sa Quezon City si Reynaldo Parojinog Jr sa kasong illegal possession of dangerous drugs.
Si Parojinog Jr ang anak ni dating Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr. na napatay habang isinisilbi ng pulisya ang warrant sa kanilang tahanan kaugnay sa iligal na droga noong Hulyo 2017.
Sa desisyon ni Quezon City RTC Branch 79 Presiding Judge Nadine Jessica Corazon Fama, sinabing napatunayang guilty beyond reasonable doubt si Parojinog Jr para sa kasong paglabag sa Section 11, Art. 2 ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o illegal drug possession.
Ayon sa korte, napatunayan ng prosekusyon beyond reasonable doubt na nakunan si Parojinog Jr ng mahigit 50 gramo ng shabu.
Dahil dito, sinentensyahan ng hukuman si Parojinog Jr ng panghabambuhay na pagkakabilanggo at pinagmumulta ng kalahating milyong piso.
Kasama ni Parojinog Jr ang kanyang kapatid na si dating Vice Mayor Nova Princess Parojinog Echavez na naaresto sa raid ng pulisya noong Hulyo 2017 sa kanilang bahay.
Sa nasabing operasyon, napatay ang kanilang ama na alkalde at ang kanilang ina at ang 13 iba pa.
Ulat ni Moira Encina