Pagbabantay sa mga paliparan at daungan sa bansa, dapat pang paigtingin para hindi na makapasok ang mga meat products mula sa mga bansang apektado ng african swine fever
Dapat pag-ibayuhin pa ang pagbabantay at monitoring sa lahat ng mga daungan at paliparan ng bansa upang hindi na makapagpuslit pa ng mga meat products galing ng mga bansang apektado ng African swine fever.
Ayon kay Samahan ng Industriya at Agrikultura (SINAG) chairman Rosendo So, hindi epektibo ang umiiral na importation ban at ipinatutupad na quarantine measures sa mga airports dahil mayroon pa ring nakakalusot.
Ito’y matapos mamataan ang mga ibinebentang imported frozen meat products partikular sa Binondo sa Maynila.
Ayon kay So, dapat mag-usap muli ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang matukoy kung paano nakakalusot at ibinebenta sa mga outlet ang mga meat products.
Nauna nang ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) na pagmumultahin ng 200,000 piso ang OFW na mahuhuling may bitbit na mga frozen o canned meat products galing sa mga bansang apektado ng swine fever.
Pero ayon kay So, dapat ding patawan ng parusa ang mga importer at ang mga retailer.
Paliwanag ni So, ang mga virus na nasa frozen meat products kahit umabot ng 300 araw ay hindi pa rin namamatay.
“Kailangang sunuginyan at ibaon sa lupa. Mas maganda at mainam yung borders very strict para hindi na makapasok kasi yung borders ang babantayan lang yung seaports at airports pero once na nakalusot ang hirap bantayan. Kagaya nyan andito sa mga stores eh kung iisa-isahin natin mahihirapan tayo.”