Kampo ni Vice-President Leni Robredo, hiniling sa Korte Suprema na resolbahin na agad ang lahat ng pending incidents kaugnay sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos
Nanawagan ang kampo ni Vice-President Leni Robredo sa Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal na resolbahin na agad ang lahat ng pending incidents sa poll protest ni dating Senador Bongbong Marcos.
Ito ay sa pamamagitan ng 13-pahinang Urgent Motion To Resolve All Pending Incidents na inihain ng abogado ni Robredo na si Romulo Macalintal.
Ayon kay Macalintal, batay sa revision, recount, at re-appreciation ng mga balota mula sa Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo na tatlong pilot provinces sa election protest, kinukumpirma nito ang pagka-panalo ni Robredo.
Lumalabas anya na nasa 279,215 ang lamang na boto ni Robredo mula kay Marcos pagkatapos recount sa 5,415 na clustered precincts mula sa tatlong pilot provinces.
Iginiit ni Macalintal na walang nangyaring dayaan dahil nagtutugma ang resulta ng recount ng mga balota sa resulta na lumabas sa vote counting machines sa tatlong probinsya.
Ang mga pagkakaiba anya sa resulta ng physical counts mula sa resulta sa election returns ay bunsod ng pagkakadeklara sa mga ito na stray votes sa panahon ng revision ng mga balota.
Ulat ni Moira Encina