China dapat papanagutin ng gobyerno sa panibagong insidente sa West Phil. Sea
Kinondena ng mga Senador ang panibagong insidente sa West Philippine sea na kinasangkutan ng China.
Kasunod ito ng ginawang pagbangga ng barko ng China sa barkong pangisda ng mga Filipino pero sa halip na tulungan ay inabandona ang mga mangingisda.
Ayon kay Senador Grace Poe dapat gumawa ng hakbang ang Duterte administration at tiyaking mananagot ng China.
Naniniwala si Poe na hindi sapat na maghain ng protesta ang Pilipinas laban sa panibagong pambubully ng China dahil hindi naman ito inirespeto ng China.
Iginiit ni Poe na hindi dapat nananahimik ang Pilipinas dahil marami nang insidente ang pambubully o pananakot ng China samantalang itinuturing itong kaibigan ang Pilipinas.
Nais naman ni Senador Risa Hontiveros na iparecall sa gobyerno ang Ambassador at Consul ng Pilipinas sa China.
Ito’y hangga’t hindi tinutukoy at pinaparusahan ng Chinese government ang Chinese vessel at mga sibilyan o sundalo man nito na bumangga at umabandona sa mga mangingisdang Pinoy.
Paalala ni Hontiveros, kailangang pairalin ng Duterte Administration ang ruling ng United Nations Arbitral Tribunal sa isyu ng West Philippine Sea.
Ulat ni Meanne Corvera