Committee Chairmanship, halos tapos na…. isasapinal na lang sa plenaryo ng Senado
Dalawang linggo bago ang pagbubukas ng 18th Congress, halos natapos na ng Senado ang paglalagay ng mga pinuno sa mga Komite sa Senado.
Ayon kay Senador Panfilo Lacson, nakausap niya si Senate President Vicente Sotto III at kinumpirma nito na naresolba na ang mga girian sa mga chairmanship sa Senado.
Inamin ni Lacson na may mga incumbent Senators ang nag- give na lamang ng kanilang mga hinahawakang komite para maresolba na ang isyu kahit pa maituturing itong paglabag sa tradisyon ng equity of the incumbent sa Senado.
Sa tradisyon sa Senado, ang mga senior Senators na magsisilbi ng kanilang ikalawang termino ang may karapatan na mamili at mamuno sa mga nais nilang lupon.
Pero nagdesisyon aniya si Sotto na panatilihin si Lacson sa Committee on Accounts dahil sa nakapending na relocation ng tanggapan ng Senado sa Bonifacio Global city na inaasahang matatapos sa susunod na dalawang taon.
Inaasahan naman na makikipagpulong ngayong linggo si Sotto sa mga miyembro ng oposisyon sa Senado para i-finalize ang kanilang committee assignments.
Ulat ni Meanne Corvera