Trial proper sa kasong Cyberlibel laban kay Rappler CEO Maria Ressa, itinakda sa July 23
Tuloy na ang paglilitis ng Manila Regional Trial Court sa kasong cyberlibel laban kay Rappler CEO Maria Ressa.
Ito ay matapos walang napagkasunduan ang panig ng prosekusyon at depensa sa isinagawang mediation meeting para maayos sana ang civil liability ng kaso.
Itinakda ni Branch 46 Judge Rainelda Estacio-Montesa ang trial proper sa kaso sa Hulyo 23.
Ayon sa abogado ni Ressa na si Theodore Te, balik ang kaso sa trial court dahil sa walang settlement sa pagitan ng online news website at ng complainant na si Wilfredo Keng.
Kaugnay nito, isinalang na sa pre-trial ang kaso kung saan tinukoy ng prosekusyon ang kanilang mga testigo at ebidensya at nagkaroon na rin ng markings ng mga dokumento.
Ang cyberlibel case laban kay Ressa ay nag-ugat sa artikulo ng Rappler na inilathala sa website nito noong 2012 kung saan sinabi na pagma-may-ari ng negosyanteng si Keng ang SUV na ginagamit ni dating Chief Justice Renato Corona at sangkot ito sa drug trafficking, smuggling at murder.
Ulat ni Moira Encina