DOJ iginiit ang importansya ng joint probe ng Pilipinas at China kaugnay sa insidente sa Recto Bank
Nanindigan ang DOJ sa kahalagahan ng pagsasagawa ng joint investigation ng Pilipinas at China kaugnay sa insidente sa Recto Bank kung saan nabangga ng Chinese vessel ang Pinoy na barko na F/B GemVer.
Ayon kay DOJ spokesperson at undersecretary Markk Perete, mahihirapan na mapanagot ang sinuman sa insidente kung walang kooperasyon mula sa kabilang partido.
Paliwanag pa ni Perete, nangyari ang insidente hindi sa teritoryo ng Pilipinas kundi sa exclusive economic zone kaya mahalaga ang kooperasyon ng China sa imbestigasyon.
Sinabi pa ng opisyal na marami ang bersyon ng istorya kaya kailangang makuha ang lahat ng facts sa kaso mula sa lahat ng partido bago maglabas ng paratang kaninuman.
Sa ngayon hinihintay ng DOJ ang ilalatag na mga panuntunan ng Office of the President sa isasagawang joint probe.
Ulat ni Moira Encina