Isyu ng territorial sovereignty hindi saklaw ng isinusulong na joint marine probe sa Recto bank incident – ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra
Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi sakop ng isinusulong na joint marine probe sa pagitan ng Pilipinas at China sa insidente sa Recto bank ang isyu ng territorial sovereignty.
Ayon kay Guevarra, ang Exclusive Economic Zone na pinangyarihan ng insidente ay hindi parte ng teritoryo ng Pilipinas kaya mayroon lang tayong sovereign rights para sa mga likas na yaman na matatagpuan doon.
Sinabi ni Guevarra na ang mga isyung reresolbahin sa joint investigation ay kung sino talaga ang may kasalanan sa banggaan at kung may pananagutan ba ang mga Chinese matapos hindi saklolohan ang mga Pinoy na mangingisda na lulan ng lumubog na F/B GemVer.
Ililimita lang anya sa mga nasabing isyu ang joint probe para agad din itong matapos.
Ayon pa sa kalihim, ang isyu ng poaching angle ay malawak na economic issue na dapat ipaubaya sa mas malaking forum.
Una nang binatikos ng ilang kritiko ang planong joint investigation ng Pilipinas at Tsina dahil sa mistulang pagsusuko ito sa soberenya ng bansa.
Ulat ni Moira Encina