Dalawang whistleblowers sa ghost dialysis scam, inilagay na sa Witness Protection Program ng DOJ
Kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra na isinailalim na sa Witness Protection Program ng DOJ ang dalawang whistleblowers sa pekeng dialysis claims sa Philhealth.
Ayon kay Guevarra, mananatili sa ilalim ng provisional coverage ng WPP sina Edwin Roberto at Liezel Aileen De Leon sa loob ng 90 araw.
Ito ay habang dinidinig anya ng DOJ panel of prosecutors ang reklamong inihain ng NBI laban sa iba pang mga opisyal ng WellMed Dialysis Center.
Sinabi pa ni Guevarra na kung aprubahan ng hukuman na maging state witness ang dalawa habang nililitis ang kaso ay maaring maging permanente na ang kanilang coverage sa WPP.
Sina Roberto at De Leon ay mga dating empleyado ng WellMed Dialysis Center na nagbunyag sa ghost dialysis claims scandal.
Kinasuhan sila sa korte kasama ni WellMed owner Brian Sy ng kasong estafa thru falsification of official documents.
Kaugnay nito, naghain ang kampo nina Roberto at De Leon sa Quezon City Regional Trial Court Branch 219 ng mosyon para ipagpaliban ang commitment order na ikulong sila sa Quezon City Jail.
Sa kanilang mosyon, ipinaalam nila sa Korte na natanggap na sila sa WPP ng DOJ
Dahil dito, hiniling nina Roberto at De Leon sa korte na manatili sila sa kustodiya ng NBI hanggang sa kanilang formal commitment sa WPP.
Ulat ni Moira Encina