Former Cebu City mayor Tomas Osmeña, posibleng makasuhan dahil sa pagbakbak sa kaniyang opisina sa munisipyo – DILG
Posibleng makasuhan ang administratibo at kriminal ang umalis na si Cebu city Mayor Tomas Osmeña matapos nitong limasin ang iniwang opisina.
Sa ulat, binakbak ng mga tauhan ng alkalde pati ang mga tiles ng banyo at mga pader sa tanggapan nito na nasa ika-walong palapag ng munisipyo.
Ngayong araw sana uupo ang bagong halal na si Cebu Mayor Edgar Labella pero dahil sa pangyayari ay maaantala ang pagsisimula ng trabaho nito.
Sa panayam ng programang Saganang Mamamayan, sinabi ni DILG Undersecretary Epimaco Densing , inaantay na lamang nila ang formal report mula sa local DILG kung sumunod nga ba si Osmenia sa Memorandum circular on the transition.
Sinabi pa ni Densing na kailangan ding patunayan ni Osmeña na sa kaniya talaga ang mga kagamitan na nasa loob ng tanggapan matapos sabihin ng tauhan nito na ang alkalde umano ang gumastos ng kaniyang mga kagamitan sa opisina.
“Yung kaniyang liability ay intended talaga for criminal case kasi nagkaroon ng damage to government property at ang damage na ito ay gagastusan ng taumbayan. Yun buwis na binabayad natin mapupunta lang doon sa paggawa ng kwarto na kaniyang binakbak. HInihimok namin ang local government ng Cebu city na kasuhan siya dahil sa inapropriate na pagsira niya ng government property ng Cebu city”.