Isinusulong na 14th month pay sa Senado, ikinatuwa ng sektor ng mga manggagawa
Ikinatuwa ng Associated Labor Union of the Philippines-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) ang isinusulong na panukala sa Senado na 14th month pay para sa lahat ng mga empleyado.
Sa panayam ng Radyo Agila, sinabi ni ALU-TUCP spokesperson Allan Tanjusay na malaking bagay ito para sa ikasisiya ng mga empleyado at pagiging masigla at inspirado sa pagtatrabaho ng mga manggagawa.
Aniya, mas lalong gaganda ang buhay ng mga empleyado sakaling maipasa ito sa 18th congress.
Giit ni Tanjusay, panahon na para maisakatuparan ang panukalang ito dahil dekada 80 pa naisabatas ang 13th month pay at matagal-tagal na itong hindi nasundan.
Hinihikayat din ni Tanjusay ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na palitan na ang kanilang lumang framework at yakapin ang mga bagong panukala para sa ikabubuti ng mga manggagawa na nagiging dahilan ng pag-unlad ng kanilang mga kumpanya.
“Yung ating ekonomiya ay umuunlad ng umuunlad bawat taon, ibig sabihin kapag umuunlad ang ating ekonomiya ay yumayaman ang kaban ng ating bansa higit sa lahat nadaragdagan ang profit ng mga employers kaya panahon na para ipatupad natin ang 14th month pay ni Senador Sotto”.