Bantang kudeta ng militar panakot lang umano ni Pangulong Duterte
Pinatitigil ni Senador Risa Hontiveros si Pangulong Rodrigo Duterte sa pananakot sa publiko na maaring mag-kudeta ang militar at pulisya.
Ayon kay Hontiveros, hindi dapat gamitin ng Pangulo ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) para takutin ang publiko para huwag kumontra sa kaniyang mga patakaran. .
Nauna nang nanawagan si Pangulong Duterte na kung ayaw na umano sa kaniya ng militar, kausapin na lang siya at kusa na siyang bababa sa puwesto.
Pero giit ni Hontiveros, hindi naman maaring basta na lang bitiwan ng Pangulo ang kaniyang poder at kusa na lang na ipapasa sa militar.
Wala rin naman aniyang impormasyon at wala rin kahit ugong na nag-aalburuto ang mga sundalo.
Maari umanong may dismayado dahil sa pagyukod lamang ng Pangulo sa panggigitgit ng china kaugnay ng West Philippine Sea pero hindi ito patungo sa kudeta.
Ulat ni Meanne Corvera