Arestado ng mga tauhan ng NBI- Special Action Unit ang tatlong Koreano dahil sa pagbebenta ng mga smuggled cigarettes na nagkakahalaga ng kalahating milyong piso.
Ayon kay NBI- SAU Chief Emeterio Dongallo, huli sa akto na nagbebenta ng smuggled na sigarilyo ang mga Koreano na sina Young Kook Kim, Jong Kook Choi at Gee Poong Lee sa tindahan nila sa Bacoor, Cavite.
Nadiskubre ng NBI na walang BIR stamps ang pitong kahon ng mga imported na sigarilyo na ibinibenta sa Korean store ng mga suspek.
Sinabi ni Dongallo na lehitimo ang negosyo ng mga Koreano at nagbebenta ng mga ligal na produkto pero inihalo sa mga ito ang mga nasabing smuggled cigarettes na ibinibenta sa mas murang halaga.
Inamin ng isa sa mga inarestong Koreano na nagbenta nga sila ng smuggled cigarettes pero ito anya ay “first time” lang nila ginawa.
Humingi rin ang Koreano ng paumanhin sa kanilang ginawa.
Isinalang na sa inquest proceedings sa DOJ ang tatlong Koreano para sa reklamong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Ulat ni Moira Encina