Walo katao, patay sa malakas na lindol sa Batanes
Umakyat na sa walo katao ang namatay habang marami ang nasugatan sa magkakasunod na malakas na lindol na tumama sa Batanes kaninang umaga.
Hindi pa ipinapalabas ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng mga biktima na ang karamihan ay nadaganan ng pader sa kanilang mga bahay.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), unang naramdaman ang magnitude 5.4 na lindol pasado alas-4:00 ng madaling-araw na sinundan naman ng 5.8 magnitude pasado als-7:00 ng umaga na pawang tumama sa bayan ng Itbayat.
Sinundan pa ito ng malakas na aftershock na may magnitude 5.8 pasado alas-9:00 ng umaga na tumama naman sa Silangang bahagi ng Basco.
Dinala na ang mga biktima sa mas malalaking ospital sa mainland Batanes para malapatan ng lunas.
Samantala, inaasahang magtutungo si Pangulong Rodrigo Duterte sa Batanes upang tingnan ang kalagayan ng mga biktima ng lindol.