Pagsulpot ng mga POGO muling iimbestigahan ng Senado
Magpapatawag muli ng pagdinig ang Senate Committee on Labor sa paglobo pa ng mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa Pilipinas kung saan nagtatrabaho ang mga Chinese Nationals.
Ayon kay Senador Joel Villanueva, chairman ng komite, kailangan nila itong busisiin dahil pinapatay ng POGO industry ang lokal na ekonomiya sa halip na makatulong.
Isa sa batayan ng Senador ang report na tumaas ang renta sa mga condominium unit at business spaces .
Dahil maraming Chinese ang umuupa kaya nahihirapang umupa ang mga Filipino.
Katunayan ang dating 25,000 na renta sa simpleng condo unit ay naging 60,000 pesos na.
Bukod dito, sinabi ni Villanueva na delikado sa pagtaas ng antas ng krimen ang pag-usbong ng maraming POGO dahil karugtong ng pagdami ng pasugalan ang kriminalidad at katiwalian at nagagamit sa money laundering.
Wala aniyang pakinabang sa pogo industry dahil hindi ito nagbibigay ng trabaho sa mga Filipino bukod pa sa wala namang nakokolektang buwis sa kanila ang gobyerno.
Ulat ni Meanne Corvera